CAVITE – UMAABOT sa 72 suspek sa iba’t ibang krimen ang nalambat ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang serye ng anti-criminality operations sa loob ng 24-oras kahapon.
Kabilang ang 24 narco trader ang naaresto sa inilatag na buy-bust operation provincewide kung saan nasamsam ang 24 plastic sachets ng shabu at mga drug paraphernalia.
Arestado rin ang 30 wanted person kabilang ang 12 na itinuturing na Most Wanted Person na nasa talaan ng regional, provincial at municipal level kung saan dalawa dito ay nasa ika-8 MWP sa Calabarzon region sa kasong Arson sa mga bayan ng Alfonso at Amadeo habang ang isa naman ay kasong rape sa bayan ng Alfonso, Cavite.
Pito namang suspek ang nasakote ng pulisya sa mga kasong pagnanakaw sa Dasmarinas City, Imus City at sa bayan ng Carmona habang 10 sugarol naman ang nasakote sa mga lungsod ng Dasmarinas, at General Trias kung saan nasamsam ang P1,824.00 bet money.
Samantala, isa naman ang inaresto sa kasong paglabag sa Comelec gun ban habang umaabot naman sa 2, 927 quarantine violators ang naitala na walang face mask, social distancing, mass gathering at curfew hours. MARIO BASCO