72 NFL PLAYERS POSITIBO SA COVID-19

LOS ANGELES – May 72 NFL players ang nagpositibo sa CO­VID-19, ayon sa players union ng liga.

Sa unang major announcement ng coronavirus results hinggil sa NFL, sinabi ng NFL Players Association na dose-dosenang players ang nagpositibo sa virus hanggang noong Hulyo 10.

Ang tally ay isinawalat sa isang database na inilarawan bilang ‘one-stop shop of information’ para sa mga player.

Gayunman ay hindi malinaw kung gaano karami sa tinatayang 2,900 rostered players ng liga ang sumailalim sa test at kung gaano kadalas.

Ang resulta ng tests ay lumabas habang naka-lock ang negosasyon sa pagitan ng NFL at ng NFLPA hinggil sa terms at conditions ng preseason training at exhibition games.

Humiling ang mga player ng karagdagang panahon upang tugunan ang fitness concerns at ayaw nilang magkaroon ng preseason games sa Agosto.

Inakusahan ni NFLPA president J.C. Tretter, center para sa Cleveland Browns, ang NFL noong nakaraang linggo ng pagkabigong isaprayoridad ang kaligtasan ng mga player sa harap ng pandemya.

Ibinasura ng liga ang 48-day training camp recommendation mula sa joint NFL-NFLPA committee para sa 23-day session bago ang una sa dalawang preseason games.

Gayunman ay sinabi ni Tretter na inilalagay ng liga sa panganib ang buong season kapag nabigo silang ganap na matugunan ang mga isyu sa virus.

“Every decision this year that prioritizes normalcy over innovation, custom over science or even football over health, significantly reduces our chances of completing the full season,” wika ni Tretter.

“We don’t want to merely return to work and have the season shut down before we even get started,” dagdag pa niya.

Comments are closed.