72 NCRPO OFFICIALS NEGATIVE SA DRUG TEST

INIHAYAG ng National Capital Region Police Office [NCRPO] na negatibo sa drug test ang 72 police colonels at police generals na nakatalaga sa Metro Manila na pinangungunahan ni Regional Director MGen. Jonnel Estomo.

Ayon kay Estomo, kahit nakakasiguro siya na walang matataas na opisyal ng NCRPO ang may kinalaman o kaugnayan sa mga ipinagbabawal na droga sa bansa ay lumuwag ang kanyang dibdib sa resulta ng naturang drug test.

Batay sa inilabas na resulta ng drug test na isinagawa ng PNP Crime Laboratory Field Office na nakabase sa Camp Bagong Diwa mula sa mga urine samples buhat sa nasabing bilang ng mga opisyales ng NCRPO lumalabas na wala sinuman sa mga ito ang gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

Bagaman, negatibo sa drug test ang mga matataas na opisyal ng NCRPO ay sinabi ni Estomo na habang siya ang Regional Director ay magpapatuloy ang pagsasagawa ng random drug testing sa hanay ng pulisya upang matiyak na walang pulis sa Metro Manila ang gumagamit at masasangkot sa ilegal na droga.

Binigyang diin ni Estomo na ang resulta ng naturang drug test ay isang matibay na ebidensiya na ang matataas na opisyal ng NCRPO na pumirma ng kani-kanilang courtesy resignation ay hindi gumagamit at hindi sangkot sa ipinagbabawal na droga.

Idinagdag pa ni Estomo na sa simula pa lang ng kanyang pagiging opisyal ng pulis ay kasama na siya nang pamunuan ng PNP sa paglilinis sa hanay ng pulisya mula sa drug protectors at scalawags.

Gaya ng sinabi nito noong nakaraang Biyernes na kapag may mapatunayang pulis na nagpositibo sa ilegal na droga ay tanggal agad ito at sisibakin sa serbisyo.

Aniya, mabuti na lang at wala ni isa sa mga opisyal ng NCRPO ang nagpositibo sa isinagawang drug test.

Nauna rito, nagsagawa ng sorpresang drug testing sa hanay ng mga matataas na opisyal ng NCRPO na pinangunahan ni Estomo bago nila pinipirmahan ang kani-kaniyang courtesy resignation. EVELYN GARCIA