($727-M noong Marso) FOREIGN INVESTMENTS SA PINAS BUMABA

FDI

SUMADSAD ang foreign direct investments (FDI) na pumasok sa Pilipinas sa 10-month low noong Marso, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos na inilabas ng BSP, ang FDI net inflows ay nasa $727 million noong Marso, mas mababa ng 9.8% kumpara sa $806 million na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon at sa $893 million noong Pebrero.

Ang pinakabagong FDI net inflow ang pinakamababa sa loob ng 10 buwan magmula nang maitala ng bansa ang $452 million noong Abril 2021.

“While the country’s macroeconomic fundamentals remain sound, external risks, such as the impact of Russia’s invasion of Ukraine on commodities and financial market condition, the start of policy tightening in several major central banks and the resurgence of COVID-19 cases in many Asian economies, may have contributed to investors’ concern about the outlook on the global economic recovery,” paliwanag ng BSP.

Karamihan sa inflows para sa buwan ay nagmula sa net investments ng non-residents sa debt instruments ng local affiliates, na lumago ng 45.1% sa $543 million mula $374 million noong nakaraang taon

Ang net investments ng non-residents sa equity capital ay bumaba ng 69.6% sa $106 million, na humila sa equity capital placements sa 68.7% sa $118 million. Ang equity capital withdrawals ay bumaba naman ng 58.2% sa $12 million.

Karamihan sa equity capital placements noong Marso ay nagmula sa Japan, United States, at Singapore na ipinasok sa manufacturing, real estate, at financial and insurance industries.