LANAO DEL NORTE – BINATI ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde ang 7,312 na pulis na umayuda at pumoste sa may 22 bayan ng lalawigang ito at pitong munisipalidad sa North Cotabato na pinagdausan ng ikalawang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay Albayalde, nagawa ng kanyang mga tauhan nang tama ang pagbibigay ng seguridad.
Personal na minamandohan ni Albayalde ang kanyang mga tauhan na noong Martes pa nagtungo sa Cotabato City.
Una nang sinabi ng PNP chief na bago ang deployment ay kanyang kinausap ang mga pulis bilang bahagi ng security operations.
TATLONG PAGSABOG PANAKOT LANG
Samantala, naniniwala si Albayalde na pananakot lamang ang naitalang tatlong pagsabog sa Lanao del Norte.
Aniya, isang dinamita ang pinasabog ng hindi pa nakikilalang salarin habang wala namang malubhang nasugatan.
“Panakot lamang siguro para i-discourage ang voters na huwag magtungo sa polling centers,” ayon pa kay Albayalde.
Alas-3 ng hapon ay bukas pa rin ang 4,749 polling precincts para sa 352,494 registered voters sa 462 barangays sa 22 municipalities ng Lanao del Norte.
Maging ang polling precinct sa Mindanao State University Municipal High School sa Sultan Naga Dimaporo, Kauswagan Multi-Purpose Gym sa Brgy Poblacion, Kauswagan at Brgy. Maranding, Lala ay dinagsa ng mga botante. EUNICE C.
Comments are closed.