HINIMOK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año ang 745 pulis na isabuhay ang kanilang dedikasyon sa tungkulin.
Binati ni Año ang bagong promote na mga pulis bunga ng kanilang tagumpay sa giyera sa Marawi at hinikayat ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na isabuhay ang kanilang katapangan at dedikasyon sa tungkulin.
Ipinahayag ni Año na ipinagmamalaki niya ang bawat babae at lalaking pulis na itinaya ang kanilang buhay sa gitna ng digmaan na nagbunga ng tuluyang pagtatapos ng giyera sa lungsod.
“Ang promotion na kanilang natanggap ay munting senyales ng pasasalamat para sa mga kapulisan na nakasama natin mula unang araw hanggang sa pagtatapos ng giyera sa Marawi,” ani Año na dating Chief of Staff ng Armed Forces na isa rin sa naging susi sa pagwawakas ng nasabing giyera.
“Maliit na bagay ito kumpara sa inyong mga sakripisyo, dugo at pawis na inyong itinaya para sa kalayaan ng Lungsod ng Marawi. Lubos ang aming pasasalamat sa inyo,” dagdag pa niya.
Sa 745 pulis na na-promote, 273 ay mula sa Police Regional Office (PRO) ng ARMM, mga PRO ng 2, 6, 7, 9, 10, 11, 12, 13, NCRPO at PRO COR; at 437 galing sa Special Action Force (SAF).
Labing-anim naman ang mula sa Maritime Group; anim sa Communications and Electronics Service; apat sa Health Service and Crime Laboratory Group; at tig-isa sa Criminal Investigation and Detection Group, Police Security Protection Group, Logistics Support Service, Directorate for Investigation and Detective Management, at PHAU Directorate for Personnel and Records Man-agement (DPRM).
Ang nasabing promotion ay ipinahayag matapos aprubahan ng National Police Commission en banc ang Resolution No. 2018-206 na naggagawad ng special promotion na mag-aangat sa 745 na pulis ng PNP sa susunod na mataas na posisyon ayon na din sa mungkahi ni dating PNP Chief Ronald M. Dela Rosa. JOEL AMONGO
Comments are closed.