(75 LGUs nilaanan ng pondo) P13.33-M PARA SA TUBIG, KALINISAN

INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary (DILG) Benhur Abalos nitong Miyerkoles na 75 local government units (LGUs) mula sa buong bansa ang tatanggap ng tig-P13.33 milyon para magamit sa pagpapabuti ng supply ng tubig at kalinisan sa kani-kanilang lokalidad.

Ang halaga ay magmumula sa Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (SAFPB) Program, batay sa itinakda ng Republic Act 11975 o ng General Appropriations Act (GAA) ng 2024.

Ang SAFPB ay isang groundbreaking initiative na naglalayong palakasin ang partnership at collaboration sa pagitan ng mga LGU at civil society organizations (CSOs).

Sa kanyang talumpati sa ginanap na SAFPB event sa Cebu City, pinaalalahanan ni Abalos ang mga LGU na managot at tiyaking gagamitin lamang ang pondo sa layunin nitong pagbutihin ang kanilang pinagkukunan ng tubig at mga pasilidad sa kalinisan.

“Pag binigay namin sa inyo ang iba, may kasama itong mga responsibilidad. Even if you mean well, gamitin natin ng tama ang pagpasok na naipagkaloob sa inyo,” anang kalihim.

Ang programa ay sumasaklaw sa mga proyekto mula sa pagtatayo, pagpapalawak, at rehabilitasyon ng Level III na mga sistema ng suplay ng tubig o mga umiiral na sanitary toilet at mga pasilidad sa kalinisan para sa mga pampublikong lugar.

Sa parehong talumpati, nanawagan din ang DILG chief ng suporta sa mga LGU tungo sa iba pang mga hakbangin ng kagawaran, tulad ng pag-iwas sa tumataas na kaso ng HIV-AIDS sa mga kabataan, ang muling problema ng tuberculosis, at ang paglutas sa malnutrisyon.
EVELYN GARCIA