NASA 750,000 katao na ang nagsumite ng kanilang aplikasyon para maging rehistradong botante sa muling pagbubukas ng registration.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec) hanggang nitong Lunes, Hulyo 11, may 757,316 indibidwal ang nagparehistro para makaboto.
Mahigit 160,000 naman ang may aplikasyon para sa paglipat ng presinto at mayroon din para sa reactivation, at transfer mula sa overseas voting kayat ang kabuuang aplikasyon na natanggap ng Comelec ay 1,013,805.
Inilabas na ng Comelec ang kumpletong schedule ng nagpapatuloy na voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections na gaganapin sa Disyembre 5.
Sa memorandum na nilagdaan ni Atty. Divina Blas-Perez, Director IV ng Election and Barangay Affairs ng Comelec, inatasan nito ang Information and Technology Department ng komisyon na i-post sa website ng ahensiya ang kabuuang schedule ng isinasagawang voter registration.
Ayon kay Atty. Blas-Perez, idedetalye rito ang eksaktong lugar at petsa ng voter registration.
Kalimitan aniyang isinasagawa ang registration sa Office of the Election Officer kaya kung lalabas dito o ililipat ang venue ng registration ay dapat na maimpormahan din agad ang publiko para iwas abala.
Magkakaroon ng abiso sa mga opisina ng bawat election officer para sa kaalaman ng mga botante.
Ipinabatid naman ni Comelec acting Spokesman Atty. John Rex Laudiangco, sa mga susunod na araw ay maaari nang ma-access ng publiko sa Comelec website ang kumpletong schedule ng registration.
Nilinaw rin nito na mananatili pa rin sa orihinal na schedule ang voter registration para sa Barangay at SK Elections na nagsimula noong Hulyo 4 at magtatapos sa Hulyo 23.