INAASAHANG nagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas ang bansa hanggang sa pagsisimula ng susunod na anihan sa March 2024, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Kasabay nito, sinabi ni DA officer-in-charge for operations Undersecretary Roger Navarro na halos kalahating milyong metriko toneladang bigas na inangkat ng pribadong sektor ang nakatakdang dunating sa pagitan ng Disyembre at Pebrero sa susunod na taon bilang pagtalima sa kasunduan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at ng holders ng rice import permits.
“We received reports that around 100,000 tons of imported rice has already arrived in the country. This is part of the 495,000 metric tons committed by import permit holders to Secretary Tiu Laurel,” ani Navarro.
Sa pagdating ng inangkat na bigas at dami ng inani ng mga magsasaka nitong mga nakaraang buwan, sinabi ni Navarro na magkakaroon ng sapat na suplay ng national food staple ang bansa hanggang sa susunod na anihan sa Marso.
Aniya, ang national rice consumption ay nasa 36,000 metric tons kada araw, o 1.08 million tons kada buwan.
Samantala, nakatakdang dumating sa huling linggo ng Disyembre at unang linggo ng Enero ang 75,000 metric tons ng bigas mula India.
“The 75,000 metric tons due in the coming weeks is part of the 295,000 metric tons of rice India has allocated to the Philippines,” ani Navarro.
Magugunitang ipinagbawal ng India ang pag-export ng non-basmati white rice noong nakaraang Hulyo upang mapatatag ang domestic supply at prices.
Gayunman ay inaprubahan ng India noong Oktubre ang pag-export ng mahigit 1 million metric tons sa pitong bansa, kabilang ang Pilipinas na makakakuha ng 28% ng export allocation.
PAULA ANTOLIN