76 PANG OFWs MULA LEBANON BALIK-PINAS

NAKAUWI na sa bansa ang panibagong grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) mula Lebanon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa isang post sa social media , sinabi ng DMW na ang naturang OFWs ay dumating noong Linggo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lulan ng Emirates EK 334.

Ayon sa DMW, umaabot na sa 636 ang kabuuang bilang ng OFWs na nakauwi sa bansa mula sa Lebanon. Kasama ng mga OFW ang 32 dependents o miyembro ng pamilya.

Kasalukuyang nakataas ang Alert Level 3 sa Lebanon, na ngangangahulungan ng voluntary repatriation. Sa gitna ito ng isinasagawang airstrikes at ground invasion ng Israel sa ilang bahagi ng naturang bansa dahil sa pakikipaglaban ng grupong Hezbollah.

Patuloy na hinihikayat ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga Pinoy sa Lebanon na umuwi na habang pinapayagan pa ang commercial flights para na rin sa kanilang kaligtasan.