LAGUNA – UMABOT sa 765 piraso ng iba’t ibang uri ng kalibre ng baril ang iprinisinta sa miyembro ng media makaraan ang magkakahiwalay na operasyon ng Calabarzon-PNP kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo 14.
Ayon kay PRO4A Regional Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, sinasabing isinagawa ng kanyang mga tauhan ang naturang operasyon mula nang itakda ng pamunuan ng Commission on Election (COMELEC) ang pagpapatupad ng Resolution No. 10197 (Comelec Gun Ban) sa buong bansa noong nakaraang ika- 14 ng nakaraang buwan.
Sa talaan, lumilitaw na mula noong nakaraang buwan hanggang sa kasalukuyan, nasa 127 assorted firearms ang nakumpiska, 22 kutsilyo, 3 replica, 2 granada, kabilang ang 1073 na mga bala kung saan 150 katao ang iniulat na naaresto kabilang ang dalawang pulis, isang Brgy. Chairman, at isang Security Guard.
Nagresulta, aniya, ang matagumpay na operasyon bunsod ng walang humpay na Comelec Checkpoints, Police Patrol Response, Buy Bust Operation, Oplan Sita, Implementation of Search Warrant, Internal Security at iba pang magkakahiwalay na operasyon.
Dahil dito, inaasahang magiging matahimik at mapayapa ang nalalapit na halalan ayon kay Eleazar kasunod ang walang humpay na pakikipag-ugnayan nito sa pamunuan ng Comelec at iba pang ahensiya ng Pamahalaan sa lugar.
Dumalo sa naturang pagtitipon sina Presidential Adviser for Southern Tagalog Sec. Dennis Hernandez, Laguna Provincial Election Supervisors Patrick Enaje, Quezon Provincial Election Supervison Atty. Allan Enriquez, Supt. Leonardo Cesneros, Deputy Regional Director for Administration, Supt. Marvin Manuel Pepino, Chief Regional Directorial Staff at pamunuan ng Calabarzon PNP. DICK GARAY
Comments are closed.