76ERS PINALAMIG ANG HEAT, UMUSAD SA PLAYOFFS

NAKAKOLEKTA si Joel Embiid ng 23 points at 15 rebounds at nagsalpak si Nicolas Batum ng anim na 3-pointers upang tulungan ang host Philadelphia 76ers na maungusan ang Miami Heat, 105-104, sa NBA play-in game nitong Miyerkoles.

Tumapos si Batum na may 20 points sa 7-of-12 shooting mula sa floor, at nagdagdag si Tyrese Maxey ng 19 points. Nagtala si Kelly Oubre Jr. ng 11 points at 8 rebounds, at nagposte si Tobias Harris ng 9 points at 10 boards.

Na-outscore ng seventh-seeded 76ers ang Miami, 66-53, sa second half upang maisaayos ang Eastern Conference first-round playoff series kontra  second-seeded New York Knicks.  Ang Game 1 ng best-of-seven series ay sa Sabado sa New York.

Nag-ambag si Miami’s Tyler Herro ng 25 points at 9 assists, at nagsalansan si Jimmy Butler ng 19 points, 5 assists at 5 steals.

Umiskor si rookie Jaime Jaquez Jr. ng 15 points mula sa bench para sa Heat, na sisikaping makopo ang eighth seed sa Biyernes, sa pag-host sa Bulls.

Bulls 131,
Hawks 116

Nagbuhos si Coby White ng 42 points — ang pinakamarami na kanyang kinamada sa isang NBA game — at nanatili ang Chicago Bulls sa kontensiyon para sa isang playoff spot kasunod ng panalo laban sa bisitang Atlanta Hawks.

Naipasok ni White ang 15 sa 21 field-goal attempts at nakalikom din ng 9 rebounds at 6 assists para sa ninth-place Bulls, na bibisita sa Miami Heat sa Biyernes kung saan ang mananalo ay makukuha ang No. 8 seed sa Eastern Conference.

Ang pagkatalo ay tumapos sa season ng Hawks, na tinapos ang regular season na 10th sa  East. Minabuti ni White na balewalain ang katotohanan na ang stats mula sa play-in games ay hindi isinasama sa regular-season o postseason records ng mga player.

“I’m definitely counting it as my career high,” aniya. “It is here on the stat sheet. …

“I just wanted to be aggressive and take what the defense gave me. Coming into the game, I wanted to make an impact on both sides of the ball, and that’s what I focused on.”

Humataw si Chicago’s Nikola Vucevic ng  24 points at  12 rebounds at nagsalansan si DeMar DeRozan ng 22 points, 9 assists at 6 rebounds. Nagdagdag si Ayo Dosunmu ng 19 points para sa Bulls, na bumuslo ng 56.8 percent mula sa field, kabilang ang 11 of 26 (42.3 percent) mula sa 3-point range.

Kumabig si Dejounte Murray ng 30 points, 7 rebounds at 6 assists para sa Atlanta, na natalo ng pitong sunod.  Nagtala si Trae Young ng  22 points at 10 assists, nagdagdag si Clint Capela ng 22 points at  17 rebounds at tumipa si Bogdan Bogdanovic ng 21 points para sa Hawks.