(77,500 balak maging police officers) RECORD-BREAKING SA PNPA CADET ADMISSION TEST

MAHIGIT sa 77,500 ang nagbabalak na maging police officers base sa record breaking na bilang ng applicants para sa Philippine National Police Academy (PNPA).

Ayon sa pamosong police officers training school , naitala ng PNPA ang pinakamataas na aplikasyon para sa PNPA-Cadet Admission Test na kanilang natanggap sa kasaysayan ng nasabing institusyon.

Hanggang kahapon ay nasa 77,410 aplikasyon ang natanggap para sa PNPA Cadet Admission Test (PNPACAT) ngayong taon.

Ayon kay Lt. Col. Louie Gonzaga, tagapagsalita ng PNPA, ito ang pinakamalaking bilang ng mga aplikante sa kasaysayan ng PNPACAT at posibleng lumobo pa dahil nanatiling tumatangap pa sila ng mga aplikante.

Mahigit doble ito sa dating record na 33,085 aplikante noong 2021.

Sinasabing ang pagiging aktibo ng PNPA at PNP sa social media na humikayat ng mga kabataan na pumasok sa serbisyo ang isa sa nakikitang dahilan kung bakit lumobo ang bilang ng mga aplikante ngayong taon.

Bukod pa sa mas pinadali ang proseso ng aplikasyon dahil online na ito kaya inaasahan din ng PNPA na madadagdagan pa ang bilang ng mga aplikante dahil bukas pa ang aplikasyon hanggang Hulyo 30. VERLIN RUIZ