May isa ng naitalang nasawi dahil sa paggamit ng paputok apat na araw bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay Department of Health (DOH) Spokesperson ASec. Albert Domingo, ang nasawi ay isang 78 anyos na lolo.
Iniulat na sinindihan nito ang paputok na ‘Judas belt’ na nagresulta sa pagsabog nito kaya nagtamo ito ng multiple injuries.
Isinugod ang biktima sa ospital noong Disyembre 22 subalit binawian ng buhay nitong Disyembre 27.
Ang biktima ay kabilang sa inisyal na 125 na kaso ng firecracker-related injuries na naitala mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng DOH mula Disyembre 22 hanggang alas-6 ng umaga ng Sabado, Disyembre 28.
Sa naturang bilang, 24 ang bagong naitalang kaso araw ng Sabado.
Nasa 102 sa mga biktima ay nasa 19 na taong gulang pababa habang 23 naman ang 20 anyos pataas karamihan ay kalalakihan.
Ayon sa DOH, 91 kaso ay sanhi ng ilegal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo kung saan 75 dito ay aktibong gumamit ng paputok.
Ibinabala naman ni Domingo na kahit legal ang paputok ay delikado pa rin ito kayat mainam na umiwas upang manatiling ligtas sa pagsalubong sa bagong taon.
PMRT