PINANGUNAHAN ni Makati Mayor Abby Binay ang seremonyal na distribusyon ng pinakabagong bersyon ng libreng rubber shoes sa 78,023 estudyante sa mga pampublikong eskwelahan sa lungsod.
Sa pamamahagi ng bagong bersyon ng rubber shoes na “AB 5.0”, kasama ng alkalde ang iba pang opisyal ng lungsod ay bumisita ito sa Rizal Elementary School, Makati Elementary School, Benigno Ninoy Aquino High School, at
Makati High School para sa mga mag-aaral mula elementarya hanggang senior high school.
Ayon kay Binay, naiiba ang kulay at istilo ng ikalimang bersyon ng rubber shoes kumpara sa naunang apat na bersyon dahil ginawang stylish at sunod sa uso ang disenyo ng rubber shoes para maging proud at masaya ang mga estudyanteng magsusuot nito.
Matatandaang naging internet sensation ang pamamahagi ng rubbers shoes ni Binay nang ilunsad ito noong 2018 at ilang local government units (LGUs) na rin ang sumubok na gayahin ang rubber shoes at iba pang mga kagamitang ibinibigay sa Proud Makatizen students ngunit hindi mapantayan ang kalidad at disenyo ng mga materyales nito.
Bukod sa rubber shoes, namahagi rin ang lungsod sa mga mag-aaral ng reusable water tumblers na katulad ng mabentang lalagyan ng tubig sa merkado.
Sinabi ni Binay na ang pangalawang bersyon ng reusable water bottle ay ibinabahagi sa mga mag-aaral upang matiyak na sila ay hydrated sa oras ng klase at PE at hindi na bumili pa ng bottled water.
Hindi lamang rubber shoes at tumblers ang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan kundi pati na rin ng libreng jacket na pinagkalooban din nito ang 29,657 junior high school students na ang color scheme nito ay tugma sa disensyo ng AB 5.0.
Mayroon ding 8,910 senior high school students ang makatatanggap ng kanilang mga bagong knapsack-styled bag na gawa sa de-kalidad, matibay at water-repellent na materyal.
Ang mga suplay na ito ay nakapailalim sa Project FREE (Free Relevant Excellent Education) na nagbibigay sa Makati public school students mula preschool hanggang senior high ng libreng school supplies at ready-to-wear school uniforms.
Ayon kay Binay, ang Project FREE ay pinalawak pa ng kanyang administrasyon upang isama ang leather at rubber shoes, tumbler, medyas, rain gear, dengue at hygiene kit, jacket, Japan-inspired bag gayundin ang uniporme sa eskwelahan ng mga estudyante. MARIVIC FERNANDEZ