HALOS walo sa sampung Filipino Muslim sa bansa ang pabor na maipasa ang Bangsamoro Organic Law base sa pag-aaral na ginawa ng Social Weather Station (SWS).
Sa survey noong Disyembre, na inilabas kahapon matapos ang botohan para sa ratipikasyon ng BOL ay lumitaw na 79 porsiyento ng Muslims sa buong bansa ang pabor sa approval ng BOL.
Sa sandaling maaprubahan sa pamagitan ng plebisitio ay bubuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na papalit sa kasalukuyang ARMM.
Mayroon lamang 7 porsiyento ang nagsabing ayaw nilang maaprubahan ang BOL habang mayroon namang 4 porsiyento na undecided.
Lumitaw rin sa SWS na 78 porsiyento ng Filipino Muslims ang may kaalaman hinggil sa BOL, 10 porsiyento sa kanila ang nagsabing extensive ang kanilang kaalaman sa BOL, 35 porsiyento ang nagsabing partial pero sufficient ang kanilang nalalaman at 33 porsiyento ang nagsabing may kaunti silang nalalaman sa BOL.
Habang 22 porsiyento ang nagsasabing wala silang alam hinggil sa nasabing batas na lilikha ng Bangsamoro entity na ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Kaugnay nito ay inihayag ng Malacañang na ang mataas na approval rating sa ratification ng Bangsamoro government ay pagpapakita na uhaw at gutom ang Bangsamoro people sa kaunlaran sa Mindanao Region.
“The Bangsamoro people have enough of war, terrorism and poverty. They hunger for peace and thirst for development in Mindanao. The results of the latest survey conducted by Social Weather Stations (SWS) from December 16 to 19, 2018 indicate that 79% of Muslims nationwide favor the approval of the Bangsamoro Organic Law (BOL),” ayon sa taga pagsalita ng Palasyo.
Malaking porsiyento rin ng Filipino Muslims ang kumpiyansa na may kakayahan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na patakbuhin ang lilikhaing Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao na higit na mas malawak ang kapangyarihan kumpara sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sa mga tinanong sa Mindanao, 41 porsiyento ng respondents ay nagsasabing pro-BOL, habang 31 porsiyento naman ang tumututol sa panukala at may 28 bahagdan ang undecided.
Sa pag-aaral base sa rehiyon, may 17 porsiyento na net approval ang BOL sa Visayas, 16 porsiyento sa Balance Luzon, at 13 porsiyento sa Metro Manila. VERLIN RUIZ