7K HEALTH WORKERS DINAPUAN NG COVID-19

Covid-19 test

Iniulat ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa halos 7,000 ang bilang ng healthcare workers sa bansa, na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa datos na inilabas ng DOH, hanggang nitong Agosto 29, nakapagtala na sila ng 6,932 na health workers na nagkasakit ng COVID-19, matapos na madagdagan pa ng 433 bagong kaso.

Nabatid na sa naturang bilang, 744 pa ang aktibong kaso.

Nasa 6,148 naman sa mga ito ang gumaling na mula sa karamdaman habang 40 ang sinawimpalad na bawian ng buhay.

Lumilitaw rin na pinakamaraming dinapuan ng virus sa hanay ng mga nurse, na nasa 2,401; 1,433 naman ang mga doktor; 484 ang nursing assistants; 304 ang medical technologists; at 138 radiologic technologists.

Samantala, mayroon ding iba pang 500 non-medical personnel na utility workers, security guards, at administrative staff ang napasama sa datos. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.