NASA 7,000 mga residente ng Chinatown sa Binondo, Manila ang nabigyan ng libreng bigas sa Pamaskong Handog ng Manila Chairman Barangay Association dalawang araw bago ang Pasko.
Nakibahagi sa aktibidad ang grupo ng mga negosyanteng Filipino-Chinese tulad ng Philippine Xiamen Amity Association Inc. at Philippine Xiamen Chamber of Commerce, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Filipino Chinese Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry at iba pa.
Pinangunahan naman ng presidente ng bawat asosasyon ang inisyal na pamamahagi ng tig-5 kilong bigas sa bawat residente.
Kabilang si Jiek Huang, presidente ng Amity Association Inc. sa aktibong nagkakaloob ng pamaskong handog sa mga residente.Nakasuporta rito ang bise presidente niyang si Alex Tan at iba pang mga opisyal at miyembro.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Manila Chairman Barangay Association President, Chairman Jefferson Lau, nagpasalamat siya sa mga asosasyon ng Filipino Chinese na tumulong para mapondohan ang pamaskong handog.
“Sana makatulong kahit papaano sa mga kapuspalad ang libreng bigas. Sana sa susunod ay makagawa ulit tayo ng ganito o higit pa sa pamimigay ng bigas,” pahayag ni Lau.