PITONG LIBO mula sa 34,000 pulis ay pawang tourist cops na idedeploy ng Philippine National Police (PNP) sa ibat’ ibang pasyalan o vacation getaway gaya sa mga beaches and resorts, recreational parks, theme museum at iba pa bilang pagbibigay ng proteksyon sa publiko sa panahon ng Semana Santa.
Ang deployment ng mga pulis ay bahagi ng preparasyon ng PNP upang matiyak na hindi makakasingit ang masasamang loob sa nasabing aktibidad na panrelihiyon.
Kapag Semana Santa ay maraming aktibidad ang Simbahang Katolika gaya ng Pabasa, Station of the Cross, Visita Iglesia, Palaspas, Prusisyon ng mga Imahe ng Santa at Santo habang kahit ibinawal ay may pagsasadula ng pagpako sa Krus kay Hesu Kristo o Senakulo at iba pa kaya inaasahang ang paglabas ng mga tao sa kalsada.
Mayroon ding aktibidad panrelihiyon ang ibang relihiyon kapag Semana Santa.
Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo ang nasabing bilang ng tourist cops na ide-deploy.
Aniya, mararamdaman ng mga turista ang kanilang protection.
“More or less we have 7,000 tourist police na idedeploy natin sa ating mga major tourist destinations to make sure na ‘yung ating mga turista both foreign and local ay mararamdaman yung police presence ng ating mga kapulisan.
Habang sa mga bibiyaheng pasahero, ipinaalala na huwag ikabahala ang pagkakaroon ng K-9 units.
“Yung mismong ating mga K-9 ay ide-deploy natin mga more or less 400 police service dogs natin ay tutulong yan sa pag-check ng mga bagahe ng ating mga kababayan at iba pa pong tao na pupunta diyan sa nasabing areas,” ani Fajardo.
Kinumpirma rin ni Fajardo na SOP (standard operating procedure) na kapag may malaking aktibidad ay nakataas ang alerto ng PNP.
“As a matter practice ay kapag ganitong mga Holy Week observance ay naka heightened alert na tayo pero yung ating mga regional directors are given discretion kung sa mga areas nila ay kakailanganin pang itaas into full alert level they have the authority and discretion to do so, ” sabi ni Fajardo. EUNICE CELARIO