Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. – DLSU vs AdU (Men)
4 p.m. – FEU vs Ateneo (Men)
SISIKAPIN ng Adamson University na maiganti ang first round overtime loss nito sa La Salle sa kanilang muling paghaharap, habang magbabakbakan ang Ateneo at Far Eastern University na wala ang kanilang mga suspendidong stars sa pares ng marquee matches sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Araneta Coliseum.
Umaasa si Falcons coach Franz Pumaren na makaresbak sa Green Archers sa kanilang duelo sa alas-2 ng hapon.
Puntirya naman ng Blue Eagles na makabawi sa isa sa kanilang dalawang stunning defeats ngayong season sa pagsagupa sa Tamaraws sa alas-4 ng hapon.
Nangunguna ang Adamson at Ateneo na may 6-2 kartada, kasunod ang La Salle at FEU na may 5-3.
Hindi pa nananalo si Pumaren laban sa kanyang alma mater magmula nang hawakan ang Falcons noong 2016, kung saan nalasap ng San Marcelino-based squad ang 78-79 overtime loss sa Archers noong nakaraang linggo.
Nakahanda naman ang Adamson na bumawi upang manatili sa top two range.
“We have to avoid lapses down the stretch. If you look our last game against La Salle, we completely dominated the stats. It is such that you know, breaks of the game and some lapses towards during the course of the game,” wika ni Pumaren.
“But it was a learning experience for us. It is the first time that we are considered as the seeded team. Whether we like it our not, teams looked up on us in a different manner already. They will prepare for us in a different way already,” dagdag pa niya.
Mahalaga para sa La Salle ang muling madominahan ang Adamson para makalayo sa fifth-running University of Santo Tomas (4-4) sa karera para sa huling semifinals berth.
“Sa akin, I’m not focusing on the opponent, I’m focusing on the team. We wanted to collect as many wins as we can, regardless kung sino ang kalaban. Yung importance ng bawat laro ngayon. You don’t look at the Final Four right now. You look at kung sino ang susunod na katapat mo,” pahayag ni coach Louie Gonzalez.
Hindi makapaglalaro para sa Ateneo si Thirdy Ravena na pinatawan ng one-game suspension dahil sa pag-atake kay University of the Philippines’ Paul Desiderio sa kanilang 83-66 panalo noong Linggo.
Hindi naman makakasama ng FEU si Arvin Tolentino, na pagsisilbihan ang una sa kanyang two-game ban dahil sa pagiging repeat offender.
Comments are closed.