7TH WIN IPIPINTA NG E-PAINTERS

PBa

Mga laro ngayon:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Rain or Shine vs NorthPort
7:30 p.m. – Phoenix vs TNT

TARGET ng second-running Rain or Shine ang ika-7 panalo sa siyam na laro sa pagsagupa sa NorthPort sa PBA On Tour ngayong Miyerkoles sa Ynares Arena sa Pasig.

Nakatakda ang salpukan ng Elasto Painters at Batang Pier sa alas-5 ng hapon. Determinado ang tropa ni coach Yeng Guiao na talunin ang NorthPort at iwaksi sa isipan ang 88-103 pagkatalo sa unbeaten leader Magnolia noong Sabado upang mahulog sa 6-2 kartada.

Ang NorthPort ay nasa two-game roll at may tsansang mapaganda ang kanilang kasalukuyang 5-4 record.

Sa kabila nito ay hindi kuntento si coach Bonnie Tan at hindi siya kabilang sa mga nagsasaya. Aniya, ang magiging pagtatapos ng kampanya ng Batang Pier sa PBA On Tour ang kanyang personal barometer ngayon.

“Kasi hinahanap natin dito is consistency,” paliwanag ni Tan. “Based on our last two games p’wedeng sabihin na meron na kahit papaano. Pero mas higit pa roon ang gusto namin and hopefully maipakita dito sa remaining games namin,” dagdag ni Tan.

“Basta ang sinasabi ko sa kanila, ‘Tapusin natin nang maayos’ itong tournament.” Matapos ang 0-2 simula sa pre-season, ang NorthPort ay nagtala ng back-to-back wins kontra Terrafirma at Phoenix Super LPG.

Batid ni Tan na masusubukan nang husto ang kanyang Batang Pier sa Elasto Painters, ngunit tinatanggap niya ang hamon. “Rain or Shine mabigat kalaban palagi, pero sabi ko nga sa mga bata, this is the time na makikita natin kung ‘yung mga improvements na gusto natin nandoon na, kung ‘yung consistency as a team na hinahanap natin nandoon na rin,” ani Tan. Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magtutuos ang Phoenix at TNT. Nasa ilalim ng standings, hangad na lamang ngayon ng Fuel Masters at Tropang Giga ang matikas na pagtatapos sa PBA On Tour.

-CLYDE MARIANO