8-0 SASAKMALIN NG TIGRESSES

CASSIE Carballo: Top playmaker ng liga na may 4.96 average per set matapos ang first round. UAAP PHOTO

Standings      W     L
UST      7     0
DLSU      6     1
NU      5     2
FEU      4     3
Ateneo      2     5
AdU      2     5
UP      1     6
UE      1     6

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)

10 a.m. – NU vs UP (Men)

12 noon – Ateneo vs UST (Men)

2 p.m. – NU vs UP (Women)

4 p.m. – Ateneo vs UST (Women)

ITATAYA ng University of Santo Tomas ang kanilang unbeaten record sa pagharap sa Ateneo sa pagsisimula ng second round ng UAAP women’s volleyball tournament ngayong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum.

Nasa kanilang pinakamagandang simula magmula nang umpisahan ang kanilang 2006-07 championship run na may siyam na sunod na panalo, ang Tigresses ay determinadong iangat pa ang lebel ng kanilang laro sa 4 p.m. duel sa Blue Eagles.

Makakasagupa naman ng National University, tumapos sa ikatlong puwesto sa likod ng UST at defending champion La Salle sa first round, ang University of the Philippines sa  2 p.m. curtain raiser.

Nakumpleto ng Tigresses ang seven-match sweep ng first round, na kinabilangan ng mga panalo kontra Lady Bulldogs at Lady Spikers, ang most recent champions ng liga.

Masaya si libero Det Pepito, na kinuha ang  captaincy makaraang mawala sa UST ang ilang key players sa pangunguna nina Eya Laure at  Imee Hernandez na nasa pros na ngayon, sa ipinakita ng kanyang koponan sa first round.

Si Tigresses’ super rookie Angge Poyos ang naging first round top attacker na may 42.07 percent success rate at pangalawa sa likod ni setter Cassie Carballo sa service na may 0.44 average per set.

Si Carballo ay nasa kanyang malaking sophomore season para sa UST, sa pagiging top playmaker ng liga na may 4.96 average per set bukod sa pagiging no. 1 sa service zone na may 0.48 average per set.

“Happy lang din. Siyempre, naniniwala nga ako na lahat ng pinagtatrabahuan, lahat ng pinaghihirapan, nagbubunga,” sabi ni Pepito.

“Sa training po never kaming nag-relax kasi mas gusto naming nahihirapan sa training para sa laro, mas madali,” dagdag ng first round leader sa receives.

Kasalukuyang tabla sa Adamson sa fifth place na may 2-5 record,  ang Ateneo ay naghahabol sa fourth-running Far Eastern University (4-3) ng dalawang laro sa karera para sa huling Final Four slot.

Winalis ng Tigresses ang Blue Eagles, 25-19, 25-16, 25-19, noong nakaraang  Marso 9.

Ang panalo kontra Ateneo ay magsisilbing magandang tuntungan ng UST papasok sa Palm Sunday showdown sa NU.

Umaasa ang Lady Bulldogs na maulit ang kanilang 25-17, 25-16, 25-17 panalo sa Fighting Maroons noong nakaraang Marso 2.