8 BANGKAY NG NPA NAHUKAY

ISABELA-UMAKYAT na sa walong bangkay ng communist New People’s Army (NPA) rebels na biktima ng hidwaang panloob sa hanay ng CPP-NPA ang nahukay at binigyan ng disenteng libing ng Philippine Army sa Barangay Canadam sa Maconacon sa lalawigang ito.

Ito ay matapos na madiskubre ang lima pang bangkay na sinasabing pinatay ng kanilang mga kasamahan bunsod ng namumuong sigalot sa loob ng kilusan, ayon sa mga dating rebelde na sila ring nagturo sa sinasabing killing field ng CPP-NPA.

Ang mga labi ay kinilalang sina alias “Rigid” at “Mawin,” commanding officer ng Front Operation Command (FOC), alias “Brad” at “Airus,” vice commanding officer ng FOC, alias “Dondon,” vice squad leader ng Squad Uno, alias “Monmon,” member ng Squad Uno, at alias “Bamboo,” kasapi ng Squad Dos, ng Isabela Provincial Committee, Cagayan Valley Region Committee.

Itinuro ng mga dating kasamahan ang mass grave sa Army 502nd Infantry Brigade.

Noong nakaraang Linggo , may tatlong bangkay din ng NPA ang nahukay ng mga sundalo na kinilalang sina alias “Eloy,” first deputy secretary, alias “Bryan,” at alias “Marco,” kapwa kasapi ng Squad Dos.

Ayon sa kanilang mga dating kasamahan , nilikida ang walo bunsod ng awayan sa liderato at mga panloob na sigalot ng kanilang kilusan.

“Ang hindi nila pagkakasundo-sundo sa loob ng kanilang organisasyon ay manipestasyon na rin ng pagkakawatak-watak ng kanilang samahan. Hindi na rin magtatagal ay sila na mismo ang magpapabagsak sa kanilang organisasyon,” ani Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., commander ng 95th Infantry Battalion.

Hinikayat naman ni Brig. Gen. Danilo D. Benavides, commander ng 502nd Brigade, ang mga nalalabing miyembro ng NPA na sumuko na lamang at samantalahin ang alok na pagbabagong buhay ng gobyerno. VERLIN RUIZ