8 BRGYs BENEPISYARYO NG ‘BANGKA PROJECT’ NG DOLE

PINANGUNAHAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang pag-turnover ng kabuuang 16 na fiberglass boats pati na rin ng mga kagamitan nito na nagkakahalaga ng P1.7 milyon sa Fisheries and Aquatic Resource Management Councils (FARMCs) na malaki ang maitutulong sa kabuhayan ng mga pangingisda.

Sina DOLE Undersecretary Benjo Santos Benavides, Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at Rep. Jaime Fresnedi ang namuno sa pamamahagi ng mga fiberglass boats sa FAMRCs ng walong barangay sa lungsod na ginanap sa Barangay Bayanan Baywalk sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Ang naturang programa ay tinawag na “Bangka Project” na inisyatibo ng Muntinlupa Public Employment Service Office (PESO) sa pakikipagkoordinasyon ng Lake Management Office (LMO) ng lungsod.

Sa kabuuang 16 na fiberglass boats na maipagkakaloob sa mga mangingisda ay walo dito ang 30-foot fiberglass boats na ang bawat isa ay mayroong 16 HP marine engine at walong 23-foot fiberglass boats na may kasamang 7.5 HP marine engine maliban pa sa 24 lifejackets a 40 kapote na ang FARMC ay makatatanggap ng package na nagkakahalaga ng P215,400.62.

Ang pagbubuo ng FARMCs sa barangay, lungsod at munisipalidad ay isang mandato sa ilalim ng Executive Order No. 240 na inisyu noong 1995 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos kung saan ang layunin ng proyektong ito matulungan ang FARMCs upang makadagdag pa ng kanilang pagkakakitaan.

Kabilang sa dumalo at nakasaksi sa isinagawang turnover ceremony ay sina DOLE National Capital Region (NCR) Director Sarah Buena Mirasol, DOLE MUNTAPARLAS Field Office Director Leonides Castillon Jr., PESO Muntinlupa Manager Glenda Zamora-Aniñon, LMO head Hermie Dela Cruz, Vice Mayor Temy Simundac, Councilor Paty Katy Boncayao, Councilor Eliot Martinez, Councilor Ivee Arciaga at mga opisyales ng Philippine National Police-Maritime Regional Unit (PNP-MRU). MARIVIC FERNANDEZ