ABRA — WALO katao kabilang ang tatlong kababaihan na bumiyahe mula sa Hong Kong ang masusing mino-monitor ng health officer dahil sa kamandag ng novel coronavirus (nCoV) sa lalawigang ito.
Sa pahayag ni Abra Provincial health officer Dr. Maria Cristina Valera-Cabrera, ang tatlong biyahera na nagmula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Abra ay naitalang person under investigation (PUI) dahil nagsimulang kakitaan ng mild symptoms kaugnay ng nCoV.
Ayon sa ulat, ang tatlo ay isinailalim sa house quarantine habang ang lima naman ay masusing mino-monitor.
Kasalukuyang naihanda na ang isolation room sa Abra Provincial Hospital para sa mga pasyenteng nahawaan ng virus.
Samantala, inaprubahan na ni Abra Governor Ma. Jocelyn Valera-Bernos na itatag ang Coronavirus Task Force matapos ipasa ang executive order na magpopokus sa health issue. MHAR BASCO