MAKATI CITY – ARESTADO ang walong Chinese nationals, kabilang ang isang babae, sa isinagawang raid ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office–Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOU), Bureau of Immigration (BI) at ng Makati City police sa pinaghihinalaang gambling den kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar ang mga inarestong Chinese nationals na sina Li Chenchen, Hong Yu, Li Huimin, Cai Jian, Lei Chijin, Xiong Yawli, Lin Yufei, Peng Cun, mga naninirahan sa 22-A Briones St., San Lorenzo Village, Barangay San Lorenzo, Makati City.
Ang naturang operasyon ng mga awtoridad ay naisakatuparan sa bisa ng isang search warrant na inilabas ng korte.
Ayon kay Eleazar, naganap ang naturang pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay na tinutuluyan ng mga suspects dakong alas-10:00 kamakalawa ng gabi.
Bago pa man maisagawa ang operasyon, nakatanggap sila ng impormasyon na may ilegal na aktibidades na nagyayari sa bahay ng mga suspek hinggil sa ilegal na online gambling ng mga ito.
Base sa impormasyon na ibinigay ng isang concerned citizen ay agad na nakipag-koordina ang pulisya sa isang korte sa Makati kung saan naglabas naman ito ng search warrant na nagdulot sa pagkakadakip sa mga suspek.
Dagdag pa ni Eleazar, ginagawang hideout ng mga suspek ang nasabing lugar upang makapagpatakbo ng ilegal na online gambling ng mga inarestong Tsino.
“Mayroon pa tayong iba pang illegal gambling operations na ang mga nagmementina ay mga dayuhan na minamanmanan ang ating kapulisan. Napakaraming impormasyon na tayong nakukuha sa mga ilegal na aktibidad na ganito lalo na sa posh villages na nagrerenta,” ani Eleazar.
Narekober sa isang kwarto ng bahay ang ilang personal computers (PC), cellphone unit at isang laptop na ginagamit sa kanilang operasyon gayundin ang mga pasaporte ng mga inarestong Tsino.
Agad naman dinala sa tanggapan ng NCRPO-RSOU upang isailalim sa masusing imbestigasyon ang mga nasabing dayuhan na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa anti-cybercrime prevention act.
Isasailalim din ng BI ang pagpoproseso ng deportation proceedings ang mga suspek. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.