8 COAST GUARD GUILTY SA PAGPATAY SA TAIWANESE FISHERMAN

Armand Balilo

GUILTY ang walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ibinabang hatol ng  Manila Regional Trial Court Br 15 kaugnay sa pagkamatay ng isang Taiwanese fisherman sa karagatang sakop ng lalawigan ng Batanes noong 2013.

Sa iginawad na hatol ng korte sinasabing napatunayang nagkasala ang walong tauhan ng coast guard sa pagpatay kay Hong Shi Cheng na tripulante ng isang Taiwanese fishing boat.

Kabilang sa mga hinatulan ng guilty ng korte sa kasong homicide sina: Commanding Officer Arnold Dela Cruz;  Seaman 1st Class (SN1) Edrando Aguila;  Seaman 1st Class (SN1) Mhelvin Bendo II;  Seaman 1st Class (SN1) Andy Gibb Golfo; Seaman 1st Class (SN1) Sonny Masangcay;  Seaman 1st Class (SN1) Henry Solomon;  Seaman 1st Class (SN1) Richard Corpuz  at Seaman 2nd Class Nicky Renold Aurelio.

Magugunitang na­ging kontrobersiyal ang naturang insidente taong 2013 at nagkalamat  pa ang relasyon ng Taiwan at Filipinas dahil sa pagka-sawi ng mangingisdang Taiwanese.

Nagresulta rin ito ng pag-uutos ng Taiwanese government na itigil ang pag-iisyu ng visa sa Filipino workers na nais magtrabaho sa Taiwan.

Bilang pagpapakita ng sinseridad ay nagpadala noon ang pamahalaan ng Filipinas ng kinatawan sa Taiwan para personal na ihatid ang official letter of apology.

Pinagbabayad ang mga nahatulan ng aabot sa P100,000 na multa bawat isa, o P50,000 para sa civil indemnity at P50,000 para sa moral damages.

Nabatid na nakatakdang iapela ng abogado ng PCG sa Court of Appeals ang ibinabang hatol ng mababang korte.

Ayon kay PCG Spokesman Capt Armand Balilo, tumupad lamang sa kanilang tungkulin ang kanilang mga tauhan na ipagtanggol ang territorial integrity ng bansa.

“Let us not forget the Taiwanese boat was stealing from the Philippines. That is the bottom line: the PCG was protecting the Philippines from the Taiwanese thieves,” pahayag naman ni Rodrigo Moreno legal counsel ng mga akusado.

Hinayaan ng korte na pansamantalang makalaya ang mga akusado makaraang magpiyansa at ihanda ang nakatakda nilang pag-apela. VERLIN RUIZ

Comments are closed.