8 DURUGISTA NALAMBAT SA DRUG TRADE

CAVITE – KALABOSO ang binagsakan ng walo katao na sinasabing drug peddler makaraang masakote ng mga operatiba ng pulisya katuwang ang PDEA sa isinagawang anti-drug operation sa bahagi ng Brgy. Molino 1 sa Bacoor City, Cavite noong Biyernes ng hapon.

Kasalukuyang nasa police detention facility ang mga suspect na sina Alberto Gacayan y Musa, 38-anyos ng Brgy Molino 1; Shyrel Al-Ag y Garzon, 36-anyos ng Brgy. Molino 6, Soldiers Hills; Edmund Teves y Lipata, 18-anyos ng Brgy. Molino 1; Herbert Duran y Urbiztondo, 36-anyos ng Brgy. Molino 6, Soldiers Hills; Robert Abriol y Elbina, 48-anyos ng Brgy. Molino 2; Addas Village 2; Axel Libranda y Mirano, 45-anyos ng Brgy. Molino 2, Addas Village 2; Ferdinand Santos y Calma, 42-anyos ng Brgy. San Nicolas 2; at si Roberto Calinga y Guinti, 42-anyos ng Brgy. Bayanan, Bacoor City, Cavite.

Base sa ulat ni PSSG Ernesto Dasalla JR na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, nabatid na isinailalim sa masusing surveillance ang grupo ng mga nadakip kaugnay sa patuloy na pagbebenta ng droga sa nasabing barangay.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang Drug Enforcement Unit ng Bacoor PNP sa PDEA-A4 para planuhin ang anti,-drug operation laban sa mga suspek na walang sinasantong oras kahit sa panahon ng pandemya.

Sa ipinalabas na kautusan ni Cavite provincial police director Police Col. Marlon Santos ay isinagawa ang drug operation kung saan nalambat ang mga suspek na nakumpiskahan ng 16 plastic sachet na shabu, mga drug paraphernalia at P200 mark money.

Isinailalim na sa drug test ang mga suspek habang pina-chemical analysis naman sa Provincial Crimes Laboratory ang nasamsam na shabu na gagamiting ebidensiya sa kasong paglabag sa RA9165. MHAR BASCO

Comments are closed.