8 ERVs, 277 GUN BAN VIOLATORS NAITALA NG PNP

SIYAM na araw makaraan ang pagpapairal ng election gun ban, walong suspected election-related violences (ERVs) na ang naitala ng Philippine National Police (PNP).

Habang 277 katao rin ang nahuling lumabag sa umiiral na Comelec gun ban sa buong bansa at 173 armas naman ang nakumpiska kabilang ang 169 na short firearms at apat na light weapons.

Sa datos ng PNP, unang nabalot ng tensiyon ang huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur noong Biyernes, September 1.

Kasunod ito ng pagpapaputok ng baril ng ilang armadong lalaki na layon umanong pigilan ang paghahain ng COC ng ilang kandidato sa nasabing lugar.

Dahil dito, agad ipinag-utos ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang mabilis na pag-iimbestiga at paglalatag ng seguridad sa insidente upang hindi na ito maulit .

“We are now beefing up our forces there to make sure that there will be no further violations or similar incidents that will happen in that area. ‘Yung nagpaputok, he was identified by our ground units and we are now preparing the necessary charges against him,” ayon kay Acorda.

Dahil sa insidente, kinokonsidera ng Commission on Election na isailalim sa kanilang control ang buong bayan ng Malabang habang nag-deploy na ang PNP ng karagdagang 150 tauhan sa lugar para para matiyak ang maayos at payapang halalan sa Oktubre 30.

Sinabi naman ni PNP Public Information Office Chief, Col. Jean Fajardo na bagaman hindi pa validated bilang ERI (election-related incident) ang nangyari sa Malabang ay kanila nang aagapan ang pagpapaigting ng seguridad doon.

Kabilang sa 8 suspected ERVs ang pamamaril sa incumbent Brgy. Chairman sa Libon, Albay habang iniimbestigahan naman ang pagpatay sa barangay chairman na si Kap Resty Hernandez sa Taal, Batangas kahapon ng umaga.
EUNICE CELARIO