CAVITE-KASONG kriminal at administratibo ang kakaharapin ng walong pulis ng Imus matapos mag-viral sa lahat ng social platform ang sapilitang pagpasok, paninira at pagnanakaw ng mga ito sa bahay ng isang retiradong college professor sa Barangay Alapan 1- A, Imus sa lalawigang ito, Lunes ng umaga.
Sa report ng tanggapan ni BGen. Carlito Gaces, Calabarzon police director, inatasan nito si Col. Christopher Olazo, Cavite police director na tanggalin sa puwesto ang hepe at lahat ng tauhan ng Imus Drug Enforcement Unit dahil sa illegal search warrants laban sa anak ng propesora.
Kasabay ng pagsibak sa mga nasabing pulis, pinadisarmahan din ni Gaces ang mga ito kabilang ang kanilang IDs at iba pang PNP insignia bilang pagpapatunay na hindi nito kukunsintihin ang anumang pagmamalabis at hindi makataong pag- uugali ng mga pulis sa Calabarzon.
Agad din inatasan ni Gaces ang Regional Investigation and Detection Management Division na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa ginawang unlawful acts at umano’y pagnanakaw at paninira sa bahay ng propesora.
Ayon pa kay Gaces, walang puwang sa kanyang nasasakupan ang hindi makataong karakter ng isang pulis na dapat tagapagtanggol ng mga kasapi. ARMAN CAMBE