8 INDIBIDWAL NAKARANAS NG MINOR SIDE EFFECTS NG SPUTNIK VACCINE

NASA walong indibidwal lamang ang nakaranas ng minor side effects o adverse events following immunization (AEFI) matapos na maturukan ng Sputnik V COVID-19 vaccine.

Ito ang iniulat kahapon ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang Laging Handa public briefing.

Ayon kay Vergeire, kabilang sa mga naiulat na side effects ng Russian-made vaccine ay pananakit ng katawan, pananakit ng parte ng katawan na tinurukan ng bakuna, rashes, pananakit ng likod, pananakit ng ulo, pagduduwal, at pagtaas ng blood pressure.

Nilinaw naman ni Vergeire na ang lahat ng nakaranas ng mga naturang side effects ay nasa maayos ng kondisyon na at pawang nakauwi na rin sa kani-kanilang tahanan.

“But all of these were managed and lahat po sila ay nakauwi rin pagkatapos mamonitor,” aniya pa.

Dagdag pa ni Vergeire, wala silang natanggap na ulat na nagkaroon ng mishandling sa mga bakuna, na kailangang iimbak sa temperatura na hindi hihigit sa -18 degrees Celcius.

Matatandaang nasa 15,000 doses ng Sputnik V ang dumating sa bansa noong Mayo 1.

Ang mga ito ay hinati sa mga lungsod ng Manila, Makati, Taguig Parañaque at Muntinlupa.

Inaasahan namang darating sa bansa ang natitira pang 480,000 doses ng naturang bakuna sa pagtatapos ng buwang ito.

Hindi pa naman tinukoy ni Vergeire kung ilan na ang kabuuang bilang ng naturukan ng naturang bakuna sa bansa. Ana Rosario Hernandez

 

18 thoughts on “8 INDIBIDWAL NAKARANAS NG MINOR SIDE EFFECTS NG SPUTNIK VACCINE”

Comments are closed.