NASA ilalim na ngayon ng kontrol ng Commission on Elections (Comelec) ang anim na bayan ng Maguindanao gayundin ang isang lungsod at isang munisipalidad sa Lanao de Sur.
Ayon kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan, alinsunod sa rekomendasyon ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at ni Regional Election Director Ray Sumalipao, isinailalim ng Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) sa kontrol ng Comelec ang mga bayan ng Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag at Sultan Kudarat sa Maguindanao.
Kasama na rin sa Comelec control ang Marawi City at bayan ng Maguing sa Lanao del Sur, bukod pa ito sa nauna nang nasa kontrol ng poll body na mga bayan ng Tubaran at Malabang.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10757, isinasailalim ng Comelec control ang isang lugar kung may kasaysayan o kasalukuyang matinding labanan ng mga magkakatunggaling kandidato o pulitikal na grupo na maaaring maghikayat ng karahasan.
Batayan din ang mga insidente ng karahasan na may kinalaman sa pulitika o kinasasangkutan ng mga kandidato at iba pang tagasuporta gayundin ay kung may mga insidenteng kinasasangkutan ng mga private armed group ng mga pulitiko o seryosong banta ng mga komunista, terorista o bandido.
Kung ang lugar ay isinailalim sa Comelec control, ang poll body ngayon ang may direktang supervision sa mga opisyal at kawani gayundin sa law enforcement agencies. JEFF GALLOS