8 MALUNGKOT NA PANGYAYARI SA PILIPINAS SA BUWAN NG AGOSTO

SA mga Chinese, malas na buwan ang Agosto. Ghost month daw. Malas sa lahat ng pagkakataon. Hindi naman naniniwala dito ang mga Pinoy, pero may mga masasamang pangyayari sa kasaysa­yan ng Pilipinas na naganap sa buwang ito.

Sabi nila, yung mga hindi nakakaalam sa kasaysayan ay nakatakdang ulitin ito kaya minsan pa na­ting lingunin ang nakaraan upang maiwasan ito. Ano ba ang silbi ng kasaysayan kung hindi tayo matututo dito? At sa buwan nga ng Agosto, maraming mahahalagang pangyayaring naganap sa ating kasaysayan. Ang tatalakayin natin ay ang mga hindi magagandang pangyayati.

Unahin natin ang 8. August 1583 – nang tupukin ng napakala­king apoy ang Maynila. Tinawag nila itong  Great Fire of Manila. Tinupok nito ang kabuuan ng Maynila, kasama na ang cathed­ral, monasteryo, ospital, fort at mga government supplies. Sobrang laki ng apoy at tinunaw nito ang mga bakal. Parang blessing in disguise, ito ang pagkakataong mu­ling itayo ang Maynila, na matagal nang nai-design. Ginamit ito ni Governor-General Santiago De Vera upang ipag-utos na lahat ng structures na gagawin sa Intramuros (dating Maynila) ay gawa sa bato.

Malungkot na pangyayari rin ang naganap noong August 19, 1896 nang madiskubre ng mga Kastila na mayroon palang Katipunan, isang secret revolutionary organization na naglalayong palayain ang bansa sa pang-aalipin. Ibinulgar ito ni Teodoro Patiño sa Mandaluyong Orphanage, at sa kanyang kapatid na babae. Noong August 26, 1896, pitong araw matapos madiskubre, pinunit ni Andres Bonifacio at mga kasama ang kanilang cedula. Ito ang tinatawag ngayong Sigaw sa Pugadlawin, na nagbadya ng simula ng totohanang rebolusyon sa Pilipinas.

Isang hindi inaasahaang pangyayari ang naganap noong August 21, 1971. May pinasabog na granada sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila, habang nangangampanya ang Liberal Party. May 4,000 katao ang dumalo dito at marami ang namatay matapos silang batuhin ng dalawang granada.

Unang pinaghinalaang pakana ito ni dating pangu­long Ferdinand Marcos, ngunit nang lumipas ang ilang taon, nalipat ang bintang sa Communist Party of the Philippines, sa kautusan ni Jose Maria Sison – bagay na itinanggi niya. Ito ang simula na nagbunsod sa pagdedeklara ng Martial Law.

Kinabukasan, matapos ang pagpapasabog, August 22, 1971, sinuspindi ni Marcos ang Writ of Habeas Corpus. Ang Writ of Habeas Corpus ay batas na nag-aatas na ipakita ang taong ikinulong. Ito ang tugon ni Marcos sa Plaza Miranda Bombing.

Isa na namang ma­lungkot na pangyayari ang naganap noong August 17, 1976. Isang malakas na lindol ang gumupo sa Minda­nao. Ilang minute bago mag-alas dose ng hatinggabi, niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang Minda­nao. Lumikha ito ng tsunami na nag-washout sa 700 kms na baybayin ng Moro Gulf sa North Celebes Sea. Ito ang pinakamalaking tsunamigenic earthquake na naganap sa Mindanao, na naging saanhi rin ng pagkawasak ng maraming pag-aari at ikinamatay ng hindi kukulangin sa 8,000 katao.

Noong August 21, 1983, hindi malilimutan ang makasaysayang pagpatay kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr.  Si Ninoy ay kilalang oposisyon ng rehimeng Marcos. Noong hapon ng August 21, 1983, bumaba si Aquino sa Manila International Airport upang harapin si Marcos ngunit binaril siya at napatay. Dahil dito, nagsagawa ang mga Filipino ng People Power Revolution, na nagpabagsak sa rehimeng Marcos. Ito ang kauna-unahang matagumpay na rebolusyon sa 20th century na walang naganap na madugong paglalaban.

Gayunman, hindi pa dito natatapos ang lahat. Nakaupo na si President Corazon Aquino, ang unang babaeng presidente sa mundo, nang magsagawa ng coup ang RAM sa pamumuno ni Gregorio Honasan noong August 28–29, 1987. Anim na beses nagsagawa ng coup ang RAM (Reform the Armed Forces Movement), at ang pinakamadugo ay noong August 28-29, 1987. Maraming nasaktan at nasawi dito, na karamihan ay mga sibilyan.

Sa panahon naman ng pamumuno ni dating pangulong Benigno Aquino III, anak na panganay nina Benigno Aquino, Jr. at Corazon Cojuangco Aquino, naganap ang kalunus-lunos na pangyayari noong August 23, 2010, ang Rizal Park Hostage-taking.

Isang bemedaled policeman na nagngangalang Rolando Mendoza ang nang-hijack sa isang tourist bus sa Rizal Park. May 20 turista sa loob ng bus, isang tour guide mula sa Hong Kong, at apat na tour guide na Filipino. Nagkaroon ng negosasyon at tumagal ito ng 10 oras, hanggang sa arestuhin ng mga pulis ang kapatid ni Mendoza. Nagalit si Mendoza at nagpaulan ng bala. Nakatakas ang driver at pinalabas ang apat na Filipino tour guide. Batay sa magkahiwalaay na imbestigasyon ng gobyerno ng Pilipinas at Hong Kong, kapalpakan ng mga pulis-Maynila ang dahilan kaya naganap ang madugong insidente.

5 thoughts on “8 MALUNGKOT NA PANGYAYARI SA PILIPINAS SA BUWAN NG AGOSTO”

Comments are closed.