LAGUNA- ISA-ISANG pinosasan ng mga operatiba ang 8 miyembro ng “paihi-gang” habang hinihigop ng mga ito ang krudo mula sa tangke ng gasoline truck sa Barangay Paagahan, Mabitac sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Sa report ni Lt.Col Randy Glenn Silvio, Laguna police director kay BGeneral Jose Melencio Nartatez, Calabarzon police chief, kinilala ang mga suspek na sina Josel Monte Alegre, Jefferson de Dios, Benzon de Dios at Ken Joshua Bauyon na pawang mga residente ng nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, inireklamo ng may- ari ng trucking ang malaking pagkalugi nito sa mga idinideliver na langis sa mga bayan sa ika- apat na distrito ng Laguna.
Dahil dito, nagsagawa ng surveillance ang Laguna Police at nahuli sa akto ang apat na pahinante na hinihigop mula sa tangke ng truck ang krudo na aabot sa 100 litro na inilalagay ng mga suspek sa container at drum at saka ipinagbibili sa mga tindahan sa Marilaque highway.
Sa sumunod na operasyon ng pulisya, nasakote rin ang apat pang kasamahan ng mga nadakip na suspek sa Silangan Ville, Barangay Canlubang , Calamba City.
Naaktuhan din ang paghigop ng gasolina mula sa truck sina Noriel Batan, Jonathan Quibo, Raffie dela Torre at isang nagngangalang Batchie na sinasabing lider ng sindikato.
Nakumpiska mula sa dalawang grupo ang isang L300 Van, isang Isuzu van na ipinanghahakot sa mga container at drum na may laman krudo at gasolina.
Nakakulong ang walong suspek sa Camp Vicente Lim custodial facility. ARMAN CAMBE