WALO sa sampung Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatupad ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa kolehiyo.
Ito’y ayon kay Senator Win Gatchalian ay base sa resulta ng Pulse Asia survery na ginawa noong Marso 15 hanggang 19 kung saan tinanong ang mga respondent kung pabor ba sila sa pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo.
Batay sa survey, 78% ng mga respondent ang sumasang-ayon sa pagpapatupad ng mandatory ROTC sa kolehiyo; 13% ang hindi sumasang-ayon; 8% ang hindi pa desidido at ang natitirang iba pa ay nagsabing hindi sapat ang kanilang kaalaman upang magkaroon ng opinyon sa isyu.
Lumitaw rin sa survey na pangunahing dahilan ng pagsuporta sa ROTC ang paniniwalang matututo ang kabataan ng disiplina at responsibilidad.
Naniniwala rin ang mga sumusuporta sa panukala na paiigtingin ng programa ang kahandaan ng kabataang ipagtanggol ang bansa at mahahasa ang kanilang kakayahan bilang mga lider.
Ang mga hindi naman pabor ay nagsabing tataas ang kaso ng pang-aabuso, harassment, at hazing habang ang iba ay naniniwalang pag-aaksaya lamang ito ng panahon na dapat sana’y iginugugol sa pag-aaral.
Nanindigan naman si Gatchalian na may safeguards ang panukalang batas tulad ng pagkakaroon ng Grievance Board sa bawat ROTC unit na tatanggap sa mga reklamo at mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan, at korupsiyon. DWIZ