BULACAN – WALONG sabungero ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng San Jose del Monte City Police, Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company at Bulacan Provincial Intelligence Branch (PIB) makaraang magsagawa ng anti-illegal gambling operation at salakayin ang isang tupadahan sa Barangay Gumaoc, SJDM City.
Sinabi ni P/Col. Lawrence Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan-PNP, pawang nakakulong at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.
Nabatid na alas-10:00 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon sa isang talunang sabungero na may nagaganap na tupada sa Barangay Gumaoc ng nasabing lugar kaya kaagad nagsagawa ng anti-illegal gambling operation ang pinagsanib na puwersa ng tatlong tanggapan ng pulisya at mahuli ang walong suspek habang nasa kasagsagan ng ilegal na sabong.
Narekober ng awtoridad ang isang tinale, dalawang tari, P1,000 cash at mga gambling paraphernalia na ginagamit sa tupada kung saan pinatitindi ng Bulacan-PNP ang kampanya sa lahat ng uri ng sugal sa lalawigan at umaabot na sa halos 200 katao ang nadakip sa nakalipas na dalawang linggo dahil sa ilegal na pagsusugal. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.