SA IKA-8 sunod na linggo ay may pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Inc. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.80, diesel ng P0.65, at kerosene ng P0.45.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.
Epektibo ang dagdag-presyo ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex na magpapatupad ng price increase sa alas- 12:01 ng umaga, at Cleanfuel sa alas-4 ng hapon sa parehong araw.
Ayon sa mga kompanya ng langis, ang taas-presyo ay dahil sa nagpapatuloy na paghihigpit sa global supply at sa epekto nito sa domestic prices.
Noong nakaraang Martes, Peb. 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P1.20 kada litro, diesel ng P1.05 kada litro, at kerosene ng P0.65 kada litro.