(8 target ng manhunt) 2 KANDIDATO SA BSKE INAMBUS: 1 PATAY, 1 SUGATAN

MASBATE- TARGET ngayon ng manhunt operation ng mga awtoridad ang walong lalaking itinuturong responsable sa pananambang isang tumatakbong barangay kagawad at isang kasalukuyang barangay chairman sa Barangay Maingaran sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Inihayag ni Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief Col. Jean Fajardo na tinutugis na ang walong suspek sa naganap na pamamaril na ikinamatay ni Juvy Pintor, 44-anyos, tricycle driver at kandidatong kagawad ng Barangay Maingaran.

Habang sugatan din ang kasalukuyang barangay chairman na si Joseph Martinez, 59-anyos sanhi ng multiple gunshot wound.

Sa inisyal na report na nakarating sa PNP, nasa burol ng namatay na kapitbahay ang mga biktima kasama rin ang ilang kandidato nang dumaan sa lugar ang grupo ng mga suspek na kaalyado umano ng kandidato sa pagka-chairman din na kinilalang si Dolores Inopia na nauwi sa kaguluhan.

Sa gitna ng gulo, sinasabing bumunot ng baril ang mga taga suporta ni Inopia na kinilalang sina Albert, alias “Pandak,” Bongbong, Eddie, Friday, Ruel, alias “Bislong,” Iraq Leo, Angelo, Allan at binaril ang mga biktima.

Dahil sa insidente, mas pinaigting ang checkpoints sa Masbate City para mahanap ang mga salarin.
Ayon kay Fajardo, maituturing na election-related ang nangyari dahil mga kandidato ang sangkot.
“Bibigyan po ng sampung araw ang ating validation committee to investigate whether this incident may be classified as validated election-related incident or not,” ani Fajardo.

Simula Oktubre 20, may naitala nang 97 na recorded election-related incident ang PNP.

Subalit, 18 lamang dito ang validated na election-related incident at ang non-election-related ay nasa 66.
VERLIN RUIZ