8 TIPS MULA KAY BILLIONAIRE RICHARD BRANSON PARA SA MATAGUMPAY NA NEGOSYO

homer nievera

PAPALAPIT na sa super senior sa edad na 68 si Richard Branson. Siya ang founder ng Virgin Records noong 1970. Marami pa siyang naging negosyo gaya ng Virgin Airlines na lahat ay nagmula sa lugar niya sa London, kung saan naman siya ay tinawag na Sir Richard Branson ni Queen Elizabeth noong taong 2000 sa larangan ng pagnenegosyo. May anim na libro na rin siyang nailathala.

Narito ang ilang tips mula kay Branson:

#1 Isakatuparan ang iyong mga pangarap

Para kay Branson, ang lahat ay nag-uumpisa sa isang idea – sa isang pangarap. Sabi niya, ang mga taong masayang nagtatrabaho upang mai-sakatuparan ang kanilang pangarap ay ang mga taong  nag-e-enjoy nang husto sa kanilang ginagawa. Sila rij daw ang mga taong nagtatagumpay dahil sa tila pagsugal  para sa kanilang pangarap na negosyo.

Sinegundahan naman ito ng bilyonaryong si Warren Buffet. Sabi niya, ang mga taong nagtatagumpay sa kanilang gawain ay madalas na sila ay may pagkahilig din dito.

#2 Gumawa ng kabutihan sa kapwa

Sabi ni Branson, ang mga taong hindi gumagawa ng kabutihan sa kapwa ay wala dapat sa pagnenegosyo. Mabigat man ang sinabi niyang ito, ako naman ay lubos na sumasamg-ayon dito. Kasi nga naman, kung puro pagkamal ng kayamanan ang iyong pinupuntirya, malamang ‘di ka maga-gatimpalaan ng tagumpay dahil sa pagiging sakim mo sa pera.

#3 Magtiwala sa iyong mga ideya

Ang isang taong walang tiwala sa sarili niyang produkto ay ‘di mahihikayat ang ibang tao na maniwala rito. Ito ang sabi ni Branson at may katuwiran nga naman ito.

Ang mga sinabing ito ni Branson ay may kinalaman din sa integridad mo at pagpapasunod sa mga tao mo upang maniwala sa iyo. Para sa kanya, kung may istratehiyang pang-exit ka, malamang ay ‘di ka determinadong magtagumpay anuman ang mangyari.

#4 Isulat ang lahat ng ideya mo

Sa sarili niyang eksperyensiya, kapag daw ‘di mo isinulat ang bagong ideya mo, malamang, wala na ito kinabukasan. Sabagay, may punto  siya rito. Ako kasi kapag nagdarasal, nagmamaneho o naliligo, mayroon akong mga ideyang pumapasoksa isip ko. Nakakalimutan ko nga ito kung di ko isinusulat. Gawin na natin ito agad, ok?

#5 Alagaan ang mga tao mo

Maraming paraan upang alagaan ang mga tauhan mo, ‘di ba? Una rito ay ang pagbabayad sa kanila nang tamang suweldo. Kung ‘di mo naman kakayanin nang ganun, lagyan mo ng insentibo ang bawat isa.

Para kay Branson, mahalaga ang pagpapanatili nang maayos, ligtas at nakakabigay-inspirasyon na pinagtatrabahuhan.

#6 Matuto sa pagkabigo

Maaaring maraming mga bilyonaryo na ang nagsabi ukol dito. Para kay Branson, ang pagkakataong natalo siya sa negosyongVigin Cola sa kamay ng Coke ay nagturo sa kanya na kung babanggain mo ang malaking pader, siguraduhin mong handang- handa ka sa pamamagitan ng isang produktong mas mataas ang kalidad.

#7 Lumabas ka!

Simpleng payo lamang ito ngunit napakahalaga para kay Branson. Ayon sa kanya, kung may negosyo, ‘wag kang manatili sa iyong opisina. Lumabas ka at kumausap ng  mga tao gaya ng kostumer o mga taong target mong maging kostumer upang malaman mo ang kondisyon ng merkadong ginagalawan.

Dahil ang anumang datos na makukuha mo mula sa mga tauhan mo ay mas maiintindihan at maisasapuso kung ikaw rin ang humarap sa mga tao mismo.

# 8 Huwag maging balat-sibuyas

Dahil matindi ang labanan sa pagnenegosyo, ang pagbibigay pruwebq na tama siya sa kanyang direksiyon  sa negosyo ang nagtutulak kay Branson para maging matapang at ‘di natitinag sa kritisismo ng ibang tao.

Para sa kanya, kailangang buo ang loob mo bilang negosyante at buong tapang na harapin ang mga pagkukutya man o paghahamon ng mga tao upang maisakatuparan ang tagumpay mo.

Marami pang  tips si Branson sa kanyang blog at mga video na nasa Internet. Saliksikin ito at tingnan kung ano ang mas matitimo sa iyong estilo ng pagnenegosyo.

Tandaan na sa lahat ng bagay, ang Diyos ang iyong gabay.

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag-email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa [email protected].

Comments are closed.