MAKATI CITY – NASA walong truck ng basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa cleanup drive sa Roxas Blvd. kahapon ng umaga.
Ayon kay Francis Martinez, head ng MMDA Metro Parkways Clearing Group, sinuyod nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard partikular na ang bahagi ng Manila Bay sa tabi US Embassy.
Pahayag pa ni Martinez na karamihan sa mga nahakot na basura ay mula sa Navotas, Malabon, Parañaque at sa area ng Cavite na inanod patungong Roxas Boulevard.
Dagdag pa ni Martinez na ang paghahakot ng basura sa Roxas Boulevard ay ang kanilang unang cleanup drive ngayong buwan at balak na nilang gawin ito linggo-linggo bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-43 Anibersaryo ng ahensiya sa Nobyembre 7.
Sinabi pa ni Martinez na kamakalawa ng hapon ay umabot sa 10 na truck ng basura ang nahakot ng MMDA mula sa Manila North Cemetery matapos ang pagdagsa ng 1 milyong tao nang gunitain ang Todos Los Santos.
Nakuha mula sa mga puntod at gilid ng 50-ektaryang sementeryo ang mga papel, lalagyan ng mga pagkain, kubyertos, at iba pang mga kalat.
Hanggang kahapon ay nagtulong-tulong pa rin sa isinagawang cleanup drive sa loob ng mga sementeryo kabilang na ang MMDA at non-government organization upang makatulong sa pagbabawas ng basura. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.