BAGUIO CITY – KALABOSO ang walong drug courier na nagpanggap na turista makaraang makumpiskahan ng P22 milyong halaga na pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang magkahiwalay na drug buy bust operation sa bayan ng Bontoc, Mt. Province noong Sabado ng gabi.
Base sa ulat, unang nasabat ang mga suspek na sina Joseph Petilona, 35, ng Angeles City, Pampanga; Mark Kevin Guzman, 21, ng Quezon City; Nino Acio, 25, ng Brgy. Tabon, Angeles City, Pampanga; at si Princess Guma, 18, ng Brgy. Anunas, Angeles City; habang nasagip naman ang 7-anyos na menor-de-edad.
Nabatid na ang mga suspek ay lulan ng itim na Chevrolet (SUV) nang masabat ng awtoridad sa itinayong checkpoint sa Lower Caluttit, Bontoc noong Sabado ng gabi kung saan nasamsam ang 145 marijuana bricks at tubular forms na nagkakahalaga ng P19, 388, 400.
Nasamsam din sa mga suspek ang isang cal. 9mm pistol, brown hoslter, 2 pistol magazine, 20 bala ng cal. 9mm pistol at 4 cellular phone.
Samantala, nasabat din ang ikalawang grupo ng drug courier na nagpanggap na turista na sina Jerald Escanillas, 29; John Vincent Santos, 20; at si Princess Diana Kling, 21, pawang nakatira sa Angeles City, Pampanga habang nakatakas naman ang isa pang suspek na si Ryan Joe Courpin.
Ang mga suspek ay nagmula sa pamosong tourist spot sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga kung saan dinarayo ang sikat na 90-anyos na Tattoo artist na si Wang-Od.
Narekober din sa mga suspek ang 27 marijuana bricks at tubular forms na may street value na P3, 308,400 kung saan pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.
Napag-alamang dumaragsa ang mga drug trafficker na nagkukunwaring turista sa highland Cordillera na isa sa pamosong tourist spots sa nabanggit na rehiyon. MHAR BASCO
Comments are closed.