KUMUSTA na, ka-negosyo? Bagong salta ka pa lang ba sa pitak na ito? Ngayon ka pa lang ba susubok na magnegosyo o nais ng extra income?
Maraming nais maging entrepreneur o negosyante. Pero iilan lang naman ang nagiging matagumpay. Bukod sa kasanayan at katangian na kinakailangan ng isang matagumpay na entrepreneur, kailangan din ang wastong kaisipan na maaaring makuha kung magsisimula ka bilang isang freelancer.
Sa panahong ito, ang magkaroon ng extra income ay mas kinakailangan. Lalo na kung isa ka sa nawalan ng trabaho, maraming trabaho ang naghihintay sa iyo sa pamamagitan ng remote jobs o freelance jobs na tinatawag.
Nasaliksik ko ang ilan sa freelancer sites na ito at ibabahagi ang ilan na puwede mong simulang puntahan. Mula $4 per hour ang bayad sa mga freelancer na katumbas ng halos 200 pesos kada oras o P32,000 sa isang buwan kung 8 oras ang trabaho (Lunes hanggang Biyernes). Tandaan lang na ang average na porsiyento (o cut) ng mga site na ito ay 20% sa bayad sa iyo.
Nawa’y makahanap ka ng trabahong babagay sa iyo at maging negosyo na ito balang araw. Tara na at matuto!
#1 Upwork (Upwork.com)
Ang Upwork ay isa sa nangungunang website ngayon kung saan maraming freelance na trabaho ang kinakailangan. Dati itong o Desk at Elance. Kung ano man ang iyong natatanging kasanayan, malamang ay mayroon ito rito. Ang Upwork kasi ang pinakamalaking website na nagpapaskil ng libo-libong freelance jobs.
Marami mang trabaho ang nakapaskil dito, silipin mo muna ang mga popular sa mga Pinoy gaya ng data encoding, sales, marketing, graphic design at social media management.
Kung entry-level ang hanap mong mga trabaho, dito ka magsimulang tumingin.
#2 Fiverr (Fiverr.com)
Halos pareho naman ang mga trabahong pang-freelancer na makikita mo rito sa Fiverr. Ang halos pagkakaiba ay may specialized ang mga kasanayan o skills ang nakapaskil dito. Popular ang Fiverr sa mga trabahong may kinalaman sa creative o malikhaing gawain.
Bakit Fiverr? Kasi nagsisimula ang trabaho rito sa $5/hour ang bayad.
#3 People Per Hour (PeoplePerHour.com)
Sa mahigit 10 taon nitong pagkakatayo, ang People Per Hour ay mas popular sa mga web-based skill na uri ng trabaho. Ang mga trabahong gaya ng SEO, web design at software engineering ang mas marami sa site na ito. Kaya naman kung ito ang linya mo, alam mo na kung saan ka pupunta.
#4 Freelancer (Freelancer.com)
Ayon sa kanila, mahigit 30 million ang kanilang nabibigyan ng trabaho mula sa 247 na bansa. Matagal-tagal na rin kasi ang website na ito at naging popular ito sa mga Filipino.
Ang kagandahan naman ng site na ito ay madaling magbukas ng account sa pamamagitan ng paglathala ng skills o kasanayan mo. Kapag nagustuhan ng isang potensiyal na employer ang nakita niya sa iyo, puwede na kayong mag-chat agad sa site.
#5 99Designs (99Designs.com)
Kung designer ka, ito ang website para sa iyo. Ang mga freelancer na narito ay nagdidisenyo ng iba’t ibang uri ng bagay mula sa mga T-shirt, website at mga materyales na may kinalaman sa packaging.
Ang kagandahan din ng site na ito ay maraming resources silang nakalagay upang magamit ng mga designer mula sa ebooks, tutorials, how-to tips at iba pa.
#6 TopTal (TopTal.com)
Ang TopTal naman ay kilala sa mga mas skilled o mas malawak na ang kasanayan. Dahil dito, mula $50 hanggang $250 kada oras na ang bayad sa mga tao rito. Dahil nga malaki ang bayad, mas mabigat ang pagdadaanang proseso upang malaman kung talagang magaling ka sa sinasabi mong larangan.
Kilala ang TopTal sa mga trabahong may kinalaman sa finance at software development na malaki ang halaga sa merkado.
#7 BloggingPro (BloggingPro.com/Jobs)
Isa ang BloggingPro sa mga website kung saan makakakita ka ng mga trabahong may kinalaman sa pagsusulat. Kung ito ang kasanayan mo, dito ka maghanap ng mga trabaho.
Dito sa site na ito makakakita ka ng mga editing at copywriting na trabaho.
#8 Freelance Writing (Freelancewriting.com/Jobs)
Katulad ng BloggingPro, ang website na ito ay hitik sa mga freelance na trabaho ng may kinalaman sa pagsusulat.
Ang pagkakaiba nito ay madaling mag-filter ng trabaho at libre lamang mag-sign-up.
Pagtatapos
Ang pagiging entrepreneur ay sadyang ‘di para sa lahat. ‘Di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili. Ngunit kung nais mo talagang magsimula, narito ang mga freelance na trabaho na mauumpisahan mo. Ipon-ipon lang hanggang makapagtayo ka rin ng iyong sariling negosyo.
Pero kung isipin mo, ang freelancing ay isang negosyo na rin, ‘di ba?
Lagi kang magkaroon ng kumpiyansa sa sariling kakayahan at mag-aral pa sa mga kakulangan. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.
Buong tapang mong harapin ang bukas. Ipagpatuloy ang positibong pananaw at kilalanin ang kakayahan mong lumago. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].
Comments are closed.