80 ANYOS TATANGGAP NA NG 10K

TATANGGAP ng P10,000 ang mga senior citizen pagsapit sa edad na 80 at sa kada limang taon hanggang 95 taong gulang, nakatira man sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Expanded Centenarians Act (Republic Act No. 11982) sa ginanap na ceremonial signing sa Ceremonial Hall ng Malacanang Palace.

Dumalo sa naturang seremonya ang mga mambabatas mula sa Senado sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri at sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez.

Nagpasalamat naman si National Commission of Senior Citizens Chairperson Atty. Franklin Quijano sa suporta ng Pangulo at mga mambabatas sa layuning mabigyan ng benepisyo ang mga octogenarians at nonagenarians sa bansa

Ayon kay Quijano, malaking bagay ang benepisyong ito ng gobyerno para sa mga senior citizen para mapahusay at madugtungan ang kanilang buhay.

Nauna nang isinabatas ng Kongreso ang Centenarians Act of 2016 (Repubic Act No.10868)  kung saan P100,000 ang  ibinibigay ng gobyerno sa mga senior citizen na umabot sa isang daang taong gulang at paggawad din ng Leter of Felicitation mula sa Pangulo ng bansa na bumabati sa mahabang buhay na inabot ng mga ito.

Isa na ring ganap na batas ang Tatak Pinoy Act (Republic Act No. 11981) na magpapalakas sa talento ng mga genius at gifted na mga Filipino.

Sa ilalim ng batas ay mangunguna ang bubuuing Tatak Pinoy Council sa pagpapalakas at implementasyon ng multi-year strategy na nakapokus sa limang pillars kabilang na ang human resources, infrastructure, technology and innovation, investments at sound financial management.

Nakasaad pa sa batas na ang nabanggit na council ang babalangkas ng mga programa at polisiya na pag-iba-ibahin at pag-ibayuhin ang mga productive capabilities ng mga local enterprises upang maiangat ang economic potentials ng bansa.

Tampok din ang mahalagang aspeto ng batas na kung saan ay mandato na iprayoridad ang  Filipino products at services sa government procurement at pagpapalakas sa collaboraton ng public at private sectors.

EVELYN QUIROZ