PINANGANGAMBAHANG lumobo pa sa mahigit sa 80 bilang ng nasawi sanhi ng pagkalunod nitong nagdaang Semana Santa.
Base sa tala ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni Public Information Office Chief Col. Red Maranan na kasalukuyan pa nilang kino- consolidate ang actual na bilang ng mga nasawi dahil sa pagkalunod sa buong bansa.
Ito ay kasunod ng ulat kahapon na may limang tao pa ang inulat na nasawi sa pagkalunod.
Bunsod ng kaliwa’t kanan mga insidente ng pagkalunod, umakyat sa 80 insidente nito ang nauwi sa kamatayan na napasama sa datos ng PNP mula Abril 1 hanggang hanggang kahapon ng umaga.
Naitala ang insidente ng pagkalunod sa Region 4A, Region 1, Region 3 at Region 5.
Sabado de Gloria, anim na magpipinsan na kinabibilangan ng apat na menor de edad ang halos sabay sabay nalunod habang naliligo sa dagat sa Barangay Pulo ,San Jose, Camarines Sur.
Isang lalaki ang natagpuang patay ng mga kawani ng Philippine Coast Guard Station Cagayan, PCG Special Operation Group-North Eastern Luzon at MDRRMO Lal-lo matapos ito malunod sa Small Water Impounding Project o irrigation dam noong Biyernes Santo, April 7.
Samantala, sa ilog na sakop ng Barangay Sta. Clara, Sta. Ana, Cagayan natagpuan ang katawan ng isa pang lalaki noong Biyernes Santo.
Kasunod nito, patuloy na nakakalat ang puwersa ng PNP sa mga matataong lugar tulad ng mga beach para rumesponde sa anumang insidente.
May isang 7-anyos na batang lalaki ang nalunod sa ilog sa Kabacan Cotabato, habang isang Grade 9 pupil nalunod patay sa beach sa Lebak Sultan Kudarat.
Sa Region 4A may tatlong insidente ng drowning ang naitala sa Laguna at Quezon nitong Mahal na Araw.
Patuloy na tumaas ang bilang ng mga insidente ng pagkalunod ng beachgoers at picnic-goers nitong nagdaang Semana Santa kaya patuloy pa ring naka heightened alert status ang puwersa ng PNP. VERLIN RUIZ