80% PAGTAAS NG PRESYO NG PAILAW SA BENGUET

pyrotechnic

ITINAAS  ng  80% ang  presyo ng mga pailaw dahil sa kakulangan ng suplay ng mga pyrotechnic devices  mula sa mga manufacturer.

Ayon kay Agnes Montoya, Presidente ng Baguio-Benguet Pailaw Association, nagsimulang magbenta ang grupo nila sa Marcos Highway, Tuba, Benguet kamaka­lawa  hanggang sa Dis­yembre 31 matapos ibigay ng mga kinauukulang ahensiya gaya ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP) at local government unit (LGU) ang  lisensiya ng mga ito.

Ipinaliwanag niya na nagmahal ang kanilang mga bentang pailaw kung ihahambing sa mga nakaraang taon dahil sa kulang o kakaunting stocks ng mga manufacturer ng mga pailaw at paputok.

Aniya, atrasado ang pagbigay ng PNP sa permits ng  manufacturers, dealers at mga retailers ng mga paputok at pailaw kaya atrasado din ang paggawa ng mga manufacturers ng mga nasabing produkto.

Sinabi pa niya na dahil sa pagpapasa-pasa ay nadaragdagan ang presyo ng mga nasabing produkto.

Sa ngayon, ang da­ting P30 hanggang P35 kada limang piraso na sparkler ay nabibili ng P50 habang ang fountain ay umaabot na ng P300 mula sa dating presyo na P180 hanggang P200 at ang mga pailaw na nabibili noon ng P800 ay nabibili na ngayon ng P1,200.

Una na ring sinabi ni Montoya na pawang mga pailaw lamang ang kanilang ibebenta habang mahigpit ang pagbabantay ng mga pulis at bombero sa mga ito para masiguro ang pagtupad ng mga pailaw vendors sa mga kondisyon sa pagbebenta ng mga ito.       REY VELASCO