80 PROBINSYA TATAMAAN NG EL NIÑO

NAGBABALA ang Task Force El Niño na nasa 80 lalawigan sa bansa ang maaaring makaranas ng masasamang epekto ng weather phenomenon.

Sa kasalukuyan ay tumaas na ang  bilang ng mga probinsya na apektado ng El Niño sa 51 mula sa dating 41, ayon kay Task Force El Niño spokesperson, Communications Assistant Secretary Joey Villarama.

“Tataas pa iyan to 73 and then aabot ng 80 bago bumaba ulit sa 50 plus. So, sinabi natin na ang effects ng strong and mature El Niño ay magpe-persist  until May to June, so tingnan natin kung ano po ‘yung puwede pang gawin,” ani Villarama.

“Pero sa ngayon po ay sapat po ang paghahanda ng mga ahensiya upang ma-avert at maabatan po iyong posibleng magiging epekto sa water resources, sa food supply, pati na rin po sa enerhiya at saka sa kalusugan.”

Sa pagtaya ng pamahalaan, ang Metro Manila at 24 lalawigan ay maaaring makaranas ng tagtuyot sa katapusan ng Marso.

Ang naturang mga lalawigan ay ang Abra, Apayo, Aurora, Bataan, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Mountain Province, Negros Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Palawan, Pangasinan, Quirino, Rizal, at Zambales.

Kabuuang 27 lalawigan ang tinatayang makararanas ng dry spell, habang 21 lalawigan ang posibleng makaranas ng dry conditions.

Ang dry spell ay maaaring maramdaman sa Antique, Batangas, Biliran, Bohol, Bulacan, Camiguin, Capiz, Cebu, Eastern Samar, Guimaras, Iloilo, Laguna, Lanao del Norte, Leyte, Masbate, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Oriental Mindoro, Samar, Siquijor, Southern Leyte, Sulu, Tarlac, Tawi-tawi, Zamboanga de Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.

Ang dry conditions ay inaasahan sa Aklan, Albay, Basilan, Davao del Sur, Davao Occidental, Dinagat Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Lanao del Sur, Maguindanao, Marinduque, North Cotabato, Northern Samar, Pampanga, Quezon, Romblon, Sarangani, Sorsogon, South Cotabato, at  Sultan Kudarat.

Sinabi ni Villarama na may 6,600 ektarya ng agricultural land ang napinsala ng El Niño.

(PNA)