800 PARES NG SAPATOS NI IMELDA TAMPOK SA SHOE MUSEUM

SA  isang pambihirang pagkakataon ay bumisita sina First Lady Louise “Liza” Araneta Marcos at dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos sa Shoe Museum ng Marikina bilang mga panauhing pandangal sa muling paglulunsad at pagpapasinaya sa naturang museo.

Ang muling pagbubukas ng Shoe Museum ay kinatampukan ng isang ribbon-cutting ceremony kung saan sina Ginang Marcos at Ginang Imelda Marcos ay malugod na sinamahan nina Special Envoy to the United Arab Emirates Kat Pimentel, Congresswoman Maan Teodoro, at Mayor Marcy Teodoro.

Matapos nito ay nilibot ng mga panauhin ang bagong ayos na Shoe Museum kung saan tampok ang may 800 pares ng sapatos ng dating unang ginang, mga pares ng sapatos ng nakaraang mga pangulo ng bansa, senador, at miyembro ng gabinete, ganoon din sa mga nakaraang punong lungsod ng Marikina, at iba pang kilalang personalidad.

Ipinakita rin sa okasyon ang Foot Scanner Technology na kumukuha ng pinakawastong sukat ng paa ng isang indibidwal upang magamit sa paggawa ng sapatos.

Bumisita rin sila at iba pang mga panauhin sa shoe exhibit ng 15 shoe manufacturers na matatagpuan sa kalapit na Shoe Museum Park.

Dumalo sa okasyon sina Vice Mayor Marion Andres at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod; Espesyal na Sugo sa Tsina para sa Kalakalan, Pamumuhunan at Turismo Benny Techico; Philippine Footwear Federation Inc. sa pangunguna ni G. Antonio Andres, Sr.; Philippine Chamber of Commerce and Industry – Marikina; mga lokal na tagagawa ng sapatos sa mga taga-disenyo ng sapatos.

Noon pa man, kilala na ang dating unang ginang Marcos bilang tagapagtaguyod ng sapatos na gawang Marikina na kanyang isinusuot sa mga mahahalagang okasyon.
Elma Morales