MAY 81 baboy ang na-reject sa Guiguinto, Bulacan matapos na ito’y makitaan ng sintomas ng hog cholera at African Swine Flu (ASF), pahayag ni municipal veterinarian Dr. Eduardo Jose, ayon sa report.
Kinuhanan ng blood samples ang mga baboy para matingnan ang dahilan ng kanilang sakit.
Pero, bago pa man mailabas ang resulta nito, ang mga baboy ay ibinukod na at inilibing.
Nagkakahalaga ang bawat baboy ng P3,500 hanggang P10,000.
Binayaran ang backyard farm owner para sa mga nawalang baboy.
Pero, sinabi ng mga mangangalakal na nagdadala ng baboy mula sa farm hanggang merkado na apektado na ang kanilang kabuhayan.
Patuloy ang awtoridad sa kanilang inspeksiyon sa backyard hog farms sa mga barangay.
Samantala, pinigil ng mga pulis ang dalawang trak na puno ng mga baboy sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.
Walang maipakitang dokumento ang mga driver ng truck tungkol sa dala nilang kargo.
Ang isang truck ay patungong Baguio habang ang isa naman ay patungo sa isang bayan ng Pangasinan.
Ang mga hayop ay dinala sa quarantine sa Sison, Pangasinan.
“May directives po ang ating governor na huwag papasukin ang mga swine products na galing sa ibang probinsiya,” sabi ni Major Rommel Bagsic, hepe ng Pozorrubio Police.