MAGTATALAGA ang Southern Police District (SPD) ng 815 ng kanilang mga tauhan sa paggunita ng Semana Santa upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng publiko.
Sinimulan ng SPD ang pagtatalaga ng karagdagang 815 sa kanilang mga tauhan nitong Abril 2 hanggang Abril 9 sa pitong lugar na kanilang nasasakupan an kinabibilangan ng mga lungsod ng Muntinlupa, Taguig, Pasay, Makati, Paranaque, Las Piñas at munisipalidad ng Pateros.
Sinabi ni SPD director Brig. Gen. Kirby John Kraft na ang anim na lungsod at isang munisipalidad na kanilang nasasakupan ay mayroong kabuuang 82 lugar na pinagsasambahan na pagkakalooban ng seguridad ng 323 miyembro ng pulisya.
Bukod pa sa lugar na pinagsasambahan ng mga deboto ay magtatalaga rin ng 141 personnel sa 19 pangunahing kalsada na nasasakupan ng SPD kabilang na dito ang Nichols Interchange.
Maliban din sa mga lugar na pinagsasambahan at pangunahing kalsada ay 110 pulis ang ipakakalat sa 28 transport hubs at terminals na nasasakupan ng SPD.
Kasabay nito, magtatalaga rin ng 109 personnel sa 46 commercial establishments na nasasakop ng SPD at 46 pulis sa mga lugar na maraming tao kabilang na dito ang mga malls.
Sinabi pa ni Kraft na magtatalaga rin ang SPD ng 9 na one-stop-shop help desks na popostehan ng 46 pulis na magbibigay ng tulong sa mga nagangailangang publiko.
“The SPD will conduct a big preparation for the Holy Week and our personnel are ready to respond to any situation that needs immediate action,” ani pa Kraft. MARIVIC FERNANDEZ