818 DOKTOR, NURSE AT EMPLEYADO POSITIBO SA COVID-19

RIZAL -LIMITADO ngayon ang operasyon ng RT-PCR testing facility, vaccination centers sa mga ospital dahil umano sa dami ng doktor, nurse at mga kawani ang naka-quarantine na nagpositibo sa COVID-19 sa Antipolo City.

Ayon sa FB post ni Antipolo City mayor Andeng Ynares, araw ng linggo naitala ang 818 fronliners ng lungsod ang positibo, 244 dito ang medical personnel at 143 ang health workers.

Simula kahapon, Enero 10, pansamantalang isasara ng Rizal Provincial Hospital System (RPHS) Antipolo Annex 1 at 2 ang kanilang mga outpatient department (OPDs) dahil sa dumaraming bilang ng mga medical at non-medical frontliners na nag-positibo sa Covid-19.

Sa pahayag ng RPHS Antipolo Annex 1, tatagal hanggang Biyernes, Enero 21 ang kanilang pagsasara sa mga OPD habang wala pang pahayag ang RPHS Antipolo Annex 2 kung kailan muling magbubukas ang OPD nito.

Bagaman sarado ang OPD, mananatiling bukas ang emergency room department (ERD) ng RPHS Antipolo Annex 1 maging ang online na teleconsultation at telemedicine na serbisyo ng parehong ospital.

Patuloy ang paalala ng lokal na pamahalaan sa mga residente na sundin ang mga health protocols, magsuot ng face mask, regular na mag-sanitize, iwasan ang masikip o sarado na mga pampublikong lugar, at magpabakuna. ELMA MORALES